


Mga apo!
Kayong dalawa iyon. Psst. Ikaw babaeng nakapulang bandanna, at ikaw lalaking nakapulang t-shirt. Bakit ba pulang-pula kayo? RA ba kayo o RJ?
Mabuti naman napadpad kayo sa balay ko. Bihira ang nagpupunta sa bahay namin ni Julio. Tsk. Hindi na kami "in." Sabagay, sino ba sa mga bayani ang "in " pa sa inyo ngayon?
Ang dami niyo kasing bayani.
Nandiyan ang mga OFW, mahigit sampung milyon sila. Mga taxi driver na nagsoli lang ng porta moneda (wallet iyon!) na naiwan sa sasakyan nila, bayani niyo na. Di ba dapat lang isauli ang napupulot?
Eniway, ako ang Lola Oriang niyo. Gregoria de Jesus, Lakambini ng KKK, pangalawang asawa ni Andres Bonifacio. Siguro di niyo alam iyon, na may naunang misis si Andres? Monica ang pangalan ng unang misis ni Supremo. Pero namatay siya sa leprosy.
Menor de edad pa lang ako nang ligawan ni Andres. Anim na buwan din siyang nagpa-cute bago ko sinagot. Kung sa panahon ngayon matagal ang anim na buwan na ligawan, noong panahon namin, mabilis na iyon. Disi-otso ako nang ikasal kami.
Nagtambling ang mga magulang ko noong una, dahil hindi nila gusto si Andres para sa akin. Sosyal kasi ang pamilya ko, at bodegero lang si Andres.
Dagdag pa ni Mader at Pader, mason daw kasi si Andres. (Hindi in ang mga Mason noon). Takot din sila dahil nga sa leprosy namatay ang una niyang misis. Baka raw mahawa pa ako.
Taranta sina mader at pader. Inalis ako sa bahay namin sa Kalookan at ikinulong sa isang bodega sa Binondo. Panama ng mga soap opera sa drama ng love life namin ni Andres?
Alam niyo bang nag-SOS pa ako sa meyor ng Binondo para makalaya at maikasal kay Andres? Sus! Nakapagpapuslit ako ng sulat at naiabot ito kay meyor. Mga dalawang buwan lang naman, bago siya nakaaksion. Kita niyo na? Mabagal na rin ang serbisyo noon pa man.
Dalawang beses pa akong sumulat sa mga meyor ng Binondo at Kalookan, para lang makaalpas at mapakasalan si Andres.
Dalawang beses pa nga kaming ikinasal ni Andres. Una sa simbahan sa Tondo, at pagkalipas lang ng isang linggo, sa Katipunan naman. Hindi sa Katipunan malapit sa mga Heswita. Katipunan, as in sa ritwal ng mga Katipuneros.
May isa kaming anak ni Andres, na pinangalanan naming Andres din. Wala pa kasing bakuna nang panahon na iyon, kaya namatay si Andres Junior sa small pox habang baby pa lang.
Lider ng Katipunan si mister. Ako naman ang tagatago ng mga dokumento at gamit ng Katipunan. Pag may raid, may I orbit Manila in my calesa with the documents and anik-aniks of the revolutionaries ang beauty ko.
Nagsimula kaming magka-problema noong laging nag-aaway sa taktika sa labanan sina Andres at Emilio Aguinaldo. Lalo pang lumala ang gap ng dalawa noong botohan para sa bagong Republika noong 1897.
Kasi naman, napansin ko at ng ilang Katipuneros na maraming mga balota ang may nakasulat nang pangalan nang ipamigay sa mga botante. Okinnawa Japan, di ba?
Noon pa man, may dagdag-bawas na, Hello, Garci!
Dito na bumagsak ang samahan nina Andres at ng nanalong presidenteng si Emilio Aguinaldo.
Kasi naman, Interior Secretary na nga lang ang napunta sa mister ko, may humirit pa na hindi bagay kay Andres ang puwesto dahil hindi siya abugado. Lalong nagmarakulyo si Andres dahil nadaya na nga, ininsulto pa. Grade four lang kasi ang tinapos ni Andres, pero edukado naman siya dahil sa sipag niyang magbasa.
At dahil insecure si Aguinaldo at natakot sa aking mister, ipinag-utos niyang patayin si Andres. Nagkaroon ng paglilitis kuno at sinentensiyahan siya sa salang pagtataksil. Dinala siya at ang kapatid niyang si Procopio sa Mt. Buntis sa Cavite at doon sila pinatay.
Trenta'y tres anyos pa lang si Andres ko nang siya ay pinatay.
Alam mo ba ang pangalan ng nanguna sa grupong pumatay kina Andres at Procopio? Lazaro Macapagal. Hmmm. Iniisip mo ba ang iniisip ko?
Nga pala, maraming kuwento na ginahasa raw ako ng ilang Katipunero nang arestuhin si Andres, para lalong mapahiya ang aking mister.
Bilang dalagang Pilipina, no comment na lang ako riyan. Ang payo ko na lang, mag-research kayo. Do your homework. Ambot kay Ambeth. Siya ang tanungin niyo.
Eniway, 21 anyos pa lang ako, biyuda na. Kumusta naman diyan, di ba?
Tuloy pa rin akong nagsilbi sa bayan. Naging close ako kay Julio Nakpil, na pinuno ng Katipuneros sa norte.
Noong 1898, hindi na lang kami close, tight na kami. Ikinasal kami ni Julian. Haba ng hair ko, ano?
Nakitira kami sa bahay nina Dr. Ariston Bautista at ng kanyang misis na si Petrona Nakpil.
Ito ang bahay na iyon. Dito na rin lumaki ang walo naming anak ni Julio. Sinuportahan din ni Dr. Bautista ang pagpapaaral sa aming mga anak. Tsokaran nina Rizal at Juan Luna si Dr. Bautista. Sila nga iyong tatlong boys na nakatitig doon sa babae sa painting na Parisian Life na painting ni Luna.
Alam niyo bang iyong painting na iyon, iniregalo ni Luna kay Dr. Bautista at dito sa bahay na ito naka-display iyon? May apo lang kami na nag-nenok noon, at bigla na lang na-auction iyon, at binili naman ng GSIS.
Nakikita mo ba iyong administration building sa UP Diliman? Oo, iyong QVEZON hall, pronounced Ki-ve-zon hall. Gawa ng anak kong si Juan iyan.
Tingnan mo naman, ang anak ko National Artist for Architecture. Walang nagsingit ng pangalan niya, ha? Pati iyong dating Rizal Theater na tinibag na, design ng anak ko iyon.
Nga pala, bakit ba ang hilig niyong magtibag? Pati iyong monumento ni Andres sa Kalookan, titibagin niyo na rin. Di niyo na iginalang ang kontribusyon namin. Oo, hurt ako!
Alam niyo ba kung bakit paikot-ikot lang ang problema ng bansa natin at di tayo umuusad? Kasi hindi natin pinag-aaralan ang kasaysayan. Nasa kuwento ng buhay naming nauna sa inyo ang mga problemang hinaharap niyo ngayon.
Wala kayong originality sa problema, ni-recycle niyo lang ang problema namin.
Kaya salamat naman at nadalaw kayo sa bahay namin. Sana iyong mga barkada niyo rin, umalis muna sa harap ng Facebook at maglakad-lakad sa Quiapo.
Isang kanto lang ang layo ng bahay namin sa bentahan ng dibidi-dibidi na iyan. Silipin niyo naman ang bahay ko kahit sandali lang. Presyo lang ng isang pekeng dibidi na series ang bayad. Kalahating Starbucks lang. Libre pa nga kung talagang wala kayong pera.
Forty pesoses. Mura lang di ba? Pero ang history lesson, priceless!