Ayala. Zobel. Tan. Madrigal. Ortigas. Cojuangco. Oppen. Romualdez. Tantoco.
Iyan ang mga apelyidong kahit kailan hindi ko nakakiskisan ng siko. At kasalanan nila iyon. Kakulangan nila sa buhay iyon. To borrow a quote from a starlet (which I made up): "It's their lost, not mind."
Ang mga kaibigan ko, hindi sila nagpapatugtog ng love songs pag nasa paligid ako. Liban na lang kung talagang plano nilang buwisitin ako at panoorin kung paano akong mag-transform na parang bulate na binuhusan ng chlorox. (Ginawa ko na iyon. Ikaw, gawin mo rin at tingnan ang mangyayari.)
Kasama ko silang pumila sa cartoon movies. At di na nila ako sinisingil kung di ko pa napapanood ang Jurassic Park.
Ganyan ang karakter ng mga taong kung tawagin ko ay kaibigan.
Ang mga kaibigan ko, alam na na tumitili ako pag nakakarinig ng silly love songs. Tumitili na parang binubunutan ng ngipin. Minsan sinadya ni Angel na patugtugan ako ng girlie songs niya, pero wala akong magawa dahil ihahatid niya ako sa kotse niya sa MOA. Tiis ako. Alam mo kung paano bunutan ng ngipin nang walang pampamanhid? Ganoon ang epekto ng ginawa niya.
Sadista. Maldita. Ganyan ang karamihan ng mga kaibigan ko. Paminsan-minsan lang naman. Pag napupuno na sila sa akin, gumaganti sila sa pamamagitan ng paggawa ng mga maliliit na bagay na malaki para sa akin. Mga hayop sila.
May sobra ring tahimik. Di umiimik liban na lang kung the roots of Miranda Rights at QED equation ang usapan. Huwag mo nang alamin. Di ko na rin inalam.
Pauwi ako kanina nang maisip ko ang sinabi ng isang kaibigan ko. Sabi ko kasi, gusto kong yumaman. Sabi niya, mayaman na ako sa kaalaman, sa dami ng kaibigan, at kakuriputan.
Ewan ko kung mayaman na ako sa kaalaman. Pag tumigil ka kasi sa pangongolekta ng kaalaman, mayabang ka na lang. Dapat laging nagbabasa at nagdadagdag.
Sa pera, dapat din tuloy ang pagpaparami nito. Y A Y A M A N A K O ! ! !
Sa kaibigan, walang masama kung dadami pa. Dito ako maingat. Piling-pili sila.
Tingnan natin ang aking mga nakolekta: lahat sa kanila, responsable sa halos lahat ng panahon. Ayoko kasi ng hihila sa akin sa bisyo at katamaran. Lahat sila, may natututunan ako. Lahat sila, iresponsable kung minsan pero alam ang hangganan at hindi sumasabit sa trabaho.
Lalaki man o babae, hitad sila. May babaeng nanlalaki. May lalaking nambababae. May lalaking nanlalalaki. May babaeng nambababae. Wala akong pakialam kung sino ang ikinukuwarto nila. Isyu nila iyon. Slam the bedroom door.
Pero kailanman, pahirap sa kalooban ko ang lalaking gustong manlalaki pero di umaamin. Ilan na ang di ko nakasundo dahil sa gulo ng isip nila, pero di nila kailanman aaminin na ang bagyo ay sa kanila, hindi sa akin nagmula. Kaya wala sila sa listahan ko. At putang ina niyo, umamin kasi kayo! (Yes, honey, that was for you. You stupid son of a bitch. How can you be my friend when you can't even admit what the fuck you are?)
Okay, breathe, breathe.
May mga ilan din sa kanila na mababaw lang ang pagkakilala ko noong una, pero noong maharap sila sa krisis, ako ang nilapitan. Mukha raw akong mapagkakatiwalaan at patas kung lumaban. Kundi ba naman mababaw ang batayan nila sa karakter, ewan ko na lang.
May ilan sa kanila na nakita akong galit na galit, pero walang kadala-dala, ginawa pa rin akong kaibigan. Kundi ba naman kaparis ko rin silang hunghang.
Isa nga sa kanila, nakita ako nang sipain ko ang isang taksi na ang driver ay inisa-isa kami sa pila para piliin kung sino ang isasakay niya sa gitna ng ulan. Pang-walo ako sa tinigilan at tinanggihan. Sipain ko nga ang pinto. Nayupi nang konti. Pero di kinayang bumaba ng driver kahit hinahamon ko dahil alam ko, at alam niya, na may pitong grupo ng tao na kukuyog sa kanya. (Calculated risk ko iyon, kahit pa nilamon na ako ng galit.)
Ang isang kaibigan ko pa, nang malipat sa Malacanang beat saka lang niya nalaman na mahal na mahal niya pala ako. Balik na lang daw siya sa Senado. "You are unique. Walang karakter na gaya mo rito. Huwaaah!" sabi niya. Syet. Panahon pa ng Easycall iyon pero natatandaan ko pa. Ninang ako sa panganay niya. At ang pangalang ibinigay ko sa anak niya ang ginamit nilang palayaw.
Inaanak. Hmmm.
Kung bibilangin ang mga magulang na nagoyo ko, maisusuma ko iyon sa dami ng inaanak ko. Mahigit walumpu na, palapit na sa isandaan.
Naknampotah. Diyan mo malalaman, walang kinabukasan ang bansang ito. Ganyan karami ang mga batang baliw na ang magulang, baliw pa ang ninang. Ano ba naman, wala ba tayong pinagkatandaan?
Ang malungkot lang, hindi lahat ng mga taong ito ay nakikita ko pa rin ngayon. Pero alam ko na kung kakailanganin, gagawa sila ng paraan para sa akin. At alam nilang ganoon din ako.
May ilan akong binura sa listahan. Dalawa siguro. Masakit pero kailangan. Ang kaibigan, kahit kailan ay di ka dapat babawasan. Huwag na tayong mag-drama riyan. Maaayos din iyan, pero hindi ngayon. Marami akong itinanim sa kanilang dalawa, pero magulo sila kaya hamo na. Pasensiya na, pero ang sa akin, hindi ko lang itinanim, diniligan ko pa. Ang laki ng puhunan ko sa inyo, ano?
Iyong mga kaibigan kong mahal, bukod sa tanggap na nilang duwag ako sa doktor, alam na nilang hindi ako maayos na tao.
Ang mga kaibigan kong minahal, sila iyong nagawa nang hilahin ako at kausapin para pagalitan para umayos pag nagmamalabis na ako.
Sila iyong hinarap ako, pinagsabihan para matuto ng kagandahang asal. Hindi sila nagsinungaling para maging mas madali ang sasabihin. They fucking gave me a dressing down. And they know they did their job, and they know I love them for setting me aright. And they know I love them for that.
Kaibigan. Importante sila sa akin sa paraang di madalas maintindihan.
Mag-isa kasi akong nakatira rito sa Maynila. Sila ang pamilya ko.
At kung binabasa mo ito, isa ka siguro roon.