Sa isang malayong bayan sa Norte -- Iinterbyuhin ko si Meyor. Alas-nueve ang usapan. Dumating ako nang alas otso y medya. Propesyunal baga. Alas diyes y medya na, wala pa siya.
Ang opisina ni Meyor ay trailer van na may aircon. Ginagawa pa ang bago nilang munisipyo. Lahat ng walong staff niya, kasama niya. Walang naisisikreto. Halu-halo ang pabango at cologne na suot ng madla. Dinig din ang lahat ng usapan at transaksyon.
Nahiya na ako nang isang magpapakasal ang iniinterbyu. Masyado nang personal. Nag-alok ako na sa labas na lang maghihintay.
Sa labas, kasama ko sa mga nakahilerang mahahabang upuan ang isang mamasan at ang kanyang mga inakay. Sa isip ko, tinawag ko silang "Mother Hen" at ang kanyang mga "Chiklets." Para kasi silang mag-iina.
Ang siste pala sa bayang iyon, si Meyor mismo ang nag-iinterbyu sa mga GRO. Para matiyak na walang menor de edad.
Sa isang bansang iligal ang prostitusyon, di ba nakakatawang nag-aapply ng work permit ang mga commercial sex workers mula sa mga Meyor?
Huwag nang sagutin. Maliligaw tayo sa ibang usapan.
Nagkalumpunan sa paligid ng mga "Chicklets" ang mga macho ng munisipyo.
Sa tingin at mga komento, alam kong binabastos nila ang mga babae. May isa pang makailang beses naglakas-loob humipo sa isang babae. Sa isip ko, tinawag ko siyang "Pakang."
Pangit kasi siya at saka sakang.
Di naman nagrereklamo ang mga babae. Parang tinanggap na nila ang ganoong trato sa kanila. Magsinungaling man sila, alam kong nubenta porsiento sa kanila ay menor de edad at limitado pa ang karanasan. Kaya nga di sila marunong lumaban.
Nang may isa pang matandang lalaking nagsabi ng malaswang bagay sa isang batang GRO, naramdaman ko na ang babala: Nanlalamig ang mga kamay ko, at umiinit ang mukha ko.
Nang papasukin na kami, lalong naging agresibo si Pakang. Hinawakan ulit ang isang babae, idinikit ang nguso sa batok at parang may ibinulong, at idinikit ang kanyang harapan sa likod ng babae.
Ayun. Nawala na ako sa wisyo.
"Staff ka ba ni Meyor? Bakit ganyan ka, ang liit ng trato mo sa kanila? Nandito lang naman sila para makipag-transaksyon sa munisipyo, at kayo, ang trabaho niyo lang ay magbigay ng serbisyo publiko. Kung anuman ang trabaho nila, labas na iyon sa usapan," sabi ko. Alam ko nanginginig ako.
Si Pakang naman, nagulat. Mukhang hindi sanay mailagay sa puwesto.
Nilapitan ako ng isang staff na babae ni Meyor. "Halika, interbyuhin mo na si Meyor. Isumbong mo sa kanya. Aide niya iyan. Pulis," sabi niya, na parang sinusulsulan ako.
Ayos! Kaya naman pala hindi mailagay sa puwesto. Pulis pala.
Mga isang oras ang interbyu. Nang matapos na, sinabi ko kay Meyor: "Sir, huwag kang magtatampo, ha? Kasi isusumbong ko lang po, iyong isang staff niyo, binabastos iyong mga babae kanina."
"Sir, si Alvin po iyong tinutukoy niya," sabi ng staff na nanunulsol sa akin.
Makalipas ang ilang minutong paliwanagan: "Thank you for letting me know. I'll deal with it," sabi ni Meyor. Huwaw! Impeccable English. Impeccable public service.
Hinanap ko sa munisipyo ang isang source ko. Ibinigay ko sa kanya ang mga papeles na dapat ay ihahatid ko sa isa pang source, na siyam na kilometro ang layo mula sa main road ang bahay. Ipinakiusap ko na lang na iabot niya sa hiniraman ko ng dokumento.
Walang lingon-likod, umalis ako sa bayan na iyon. Malaking pasasalamat ko na nakaalis ako nang walang mga bala at saksak sa likod ko.
Siguro naman, sa susunod, magiging mas maayos na ang trato nila sa mga babae.