Panalo ang Pinoy!
Dahil nalasing sa kasaysayan ang isip ko sa nakalipas na ilang araw (at dahil na rin sa utos ni FW), nagpunta ako at isang kaibigan sa Maynila para silipin ang National Museum at ang Museum of the Filipino People.
Nag-cover ako ng Senado (na pinalayas ng National Museum mula sa 4th floor noong 2003) kaya alam ko kung nasaan ang NM.
Ang Finance Building pala ay siya nang tahanan ng Museum of the Filipino People. Kahapon ko lang nalaman iyon.
Sa parehong museum, ipinapaiwan ang bag at camera. Cellphone at wallet lang ang puwede mong dalhin. Kaya pasensiya, dalawa lang ang kuha ko gamit ang telepono ko.

Sentro pa rin ng NM ang Spoliarium. Pangalawang beses ko itong nakita kahapon. Noong una, noong uhugin pa akong reporter ng Senado, hindi ko kinaya ang emosyon na hatid nito. Marahas, madilim, at nakakahindik ang gawa ni Juan Luna.
Kahapon, iba naman ang epekto sa akin ng obra ni Luna.
Naisip ko na "Room of Spoils" siguro ang pinagmulan ng Spoliarium. At batay na rin sa ipinakikita ni Luna, talagang kuwarto ng mga nasirang buhay ang kanyang ginawa. Naging mas sentro rin ng atensyon ko ang babae sa kanan, at kung ano ang dalamhati na nararamdaman niya sa walang silbing pagkamatay ng mga mandirigma ng Roma.
Ayon sa iba't-ibang babasahin, ang Spoliarium ay isang silid sa ilalim ng Roman arena kung saan dinadala ang mga napapatay sa labanan ng mga gladiator. Kakaiba mag-aliw ang mga Romano kapag nababagot, ikamamatay mo.
Nasa NM rin ang mga gawa nina Felix R. Hidalgo at Luna, karamihan ay ipinahiram ng Far East Bank and Trust Company.

Pogi pero kakaiba ang ayos ng buhok ng Ilocanong si Luna, batay sa sarili niyang gawa at sa pagguhit sa kanya ni Hidalgo. Parang naririnig ko ang mga sosyal na tao na tumitili ng "Ewww, makeover, now!"
Bukas din ang NM sa mga batang manlilikha. May exhibit ng modern art sa isang kuwarto.
Sa MFP, naroon ang koleksion ng mga libingan, banga, plato, at iba pang gamit na natagpuan ng mga archaeologists mula sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas, mula sa iba't ibang panahon ng mundo.
Makikita batay sa ukit at sa panahon na pinagmulan na ang mga Pilipino pala, mula pa noong unang panahon, ay may sining na at may kakayahang lumilok ng mga bagay na kailangan niya sa araw-araw.
May talino ang Pilipino, gumagawa at nag-iisip, kahit pa bago dumating ang mga higanteng butiki na may paa. Mayroon na rin siyang konsepto ng paniniwala sa isang Lumikha.
May mga patunay rin na bago pa man dumating ang mga Espanyol, may pakikipagniig (Teka, bastos yata iyon) at pakikipag-negosyo na sa ibang lahi ang Pinoy.
Malaking bahagi ng MFP ang naiahong gamit mula sa lumubog na San Diego, isang barkong pandigma, noong 1600.
Kung magkakaroon ka ng panahon, bisitahin mo ang dalawang museum at tulad ko marahil, lalapad ang dibdib mo na isa kang Pinoy.
Note: Sa NM, P70 ang bayad bawat tao. Pero isang pangalan lang ang ipinasusulat nila sa logbook.
Sa MFP, P100 ang bayad, pero isang pangalan din ang ipinasusulat nila sa logbook. Ang ginawa ko ay isinulat ko pareho ang pangalan namin ni Yowee sa MFP, at hiningi ko ang resibo. Hindi ito napupuna ng ibang nagpupunta. Tingin ko, dapat ay ayusin ng dalawang museum ang sistema ng paniningil, at huwag itong iwan lang sa guwardiya. Dagdag na pondo rin ito para sa ating museum.











